-- Advertisements --

Inaasahang aabot sa 1.25 milyong pasahero ang dadagsa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa paggunita ng Undas mula ngayong Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4, ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC). Tinatayang ang Oktubre 30 ang magiging pinakaabalang araw sa paliparan kung kailan inaasahang aabot sa 149,000 biyahero ang dadaan sa mga terminal.

Upang matiyak ang kaayusan at seguridad, magdadagdag ng mga pulis sa mga pasukan ng terminal, parking areas, at mga lugar na sakayan at babaan ng pasahero.

Magpapakalat din ng karagdagang traffic marshals at maglalaan ng mga shuttle service sa pagitan ng mga terminal upang maayos na maiproseso ang dagsa ng mga dumarating at umaalis na biyahero.

Bukod sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa kalsada at pag-aangkop ng operasyon ng mga taxi, magtatalaga rin ng karagdagang tauhan sa mga checkpoint at maglalagay ng mga standby technical team para sa mabilis na pagtugon sa anumang pasilidad ng paliparan.

Samantala, ayon naman sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), maaga nilang napaghandaan ang mga paliparang sakop nila.

Ayon kay Bea Bernardo, CAAP public information officer, sapat ang kanilang mga tao at operational naman ang lahat ng kanilang mga pasilidad mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.