-- Advertisements --

“Walang puwang ang pagkakampante!” Ito ang mensahe ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa mga susunod na military leaders ng bansa, kasabay ng panawagang pabilisin ang pagpapalakas ng depensa at pambansang seguridad ng Pilipinas.

Ginawa ni ni Secretary Teodoro ang pahayag sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Philippine Military Academy (PMA) kahapon, October 24, 2026 sa Baguio City.

Iginiit ni Teodoro na dapat maging mas ambisyoso ang bansa sa pagharap sa mga hamon, lalo na sa pagtatanggol sa teritoryo at soberanya nito.

Ayon sa kalihim, kailangang labanan ang kaisipang madaling sumuko at patunayang handa at kayang panindigan ng Pilipinas ang mga pambansang interes nito.

Binigyang-diin din niyang dapat sana ay naihanda na ilang taon na ang nakalipas ang mga plano para sa pambansang seguridad. Gayunman, aniya, hindi na maibabalik ang nakaraan kaya kailangang pabilisin ang mga hakbang ngayon.

Kasabay nito, hinimok niya ang PMA at Armed Forces of the Philippines (AFP) na patuloy na umangkop sa mga bagong teknolohiya at nagbabagong banta upang mapalakas ang kakayahan ng bansa sa depensa.

“We are in a race and a struggle to increase our capabilities and increase our footprint, and increase our ability to enforce our laws within a vast maritime domain that we have and we are fighting for,” pahayag ni Secretary Teodoro.