-- Advertisements --

Mahihirapan umanong pabulaanan ng depensa ni Vice President Sara Duterte ang mga ebidensiya ng prosekusyon kaugnay ng alegasyong P818 milyong hindi maipaliwanag na yaman na posibleng umabot sa P1.5 bilyon, ayon kay House impeachment spokesperson Ace Barbers.

Ayon kay Barbers, nakabatay ang mga ebidensiya sa mga dokumento mula mismo kay VP Duterte at sa mga ahensiya ng gobyerno, kabilang ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), income tax filings ng mag-asawang Duterte-Carpio, at mga rekord ng kanilang shareholdings sa mga korporasyon.

Batay sa mga dokumentong iniharap sa impeachment court, tumaas ang idineklarang net worth ni Duterte mula P7.2 milyon noong 2007 hanggang P98 milyon noong 2025.

Lumilitaw rin umano sa mga rekord ng bangko ang mga balanseng hindi tugma sa kanyang SALN na nagdedeklarang walang cash on hand at cash in bank mula 2019 hanggang 2025.

Samantala, nakatakdang simulan ng depensa ang paglalahad ng mga ebidensiya sa Nobyembre 9, sa pagpapatuloy ng impeachment trial matapos ang paggunita ng Undas.

Ang halagang P818 milyon hanggang P1.5 bilyon ay batay sa pagsusuri ng forensic financial audit expert na kinuha ng prosekusyon. Alegasyon pa lamang ito at hindi pa pinal na hatol ng impeachment court.