Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Rosal na may International name na (Champi) nitong Sabado, Oktubre 24, ngunit inaasahan pa rin ang malalakas na bugso ng hangin at mapanganib na kondisyon ng karagatan sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa weather state bureau.
Sa Tropical Cyclone Bulletin na inilabas 11:00A.M ngayong araw, taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 120 km/h at pagbugsong hanggang 150 km/h. Kumikilos ito pahilagang-silangan sa bilis na 20 km/h.
Wala nang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa bansa. Gayunman, inaasahan pa rin ang malalakas na bugso ng hangin sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, Aurora, hilagang Quezon, Bicol Region, Romblon at ilang bahagi ng Western Visayas.
Nagbabala rin ang weather bureau sa mapanganib na kondisyon ng karagatan sa Hilagang Luzon. Maaaring umabot sa 5 metro ang taas ng mga alon sa hilagang baybayin ng Batanes.
Pinayuhan ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot sa mga lugar na may mapanganib na kondisyon ng dagat.
Dagdag pa ng ahensya inaasahang unti-unting hihina ang Rosal sa susunod na 12 oras at maaari itong maging severe tropical storm habang kumikilos patungo sa East China Sea.














