-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni dating Bangsamoro parliament member Sultan Edrieza Nasser Rimbang ang mga akusasyong nag-uugnay sa kaniya sa nakumpiskang 521 kilograms ng shabu na nagkakahalaga ng P3.5 billion sa bansang Laos.

Sumagot si Rimbang kasunod ng mga pahayag ng DILG na nagtuturo sa kaniya bilang diumano’y financier at mastermind na nagplano ng pagpasok ng kontrabando sa Maynila gamit ang mga inarkilang eroplano.

Kinuwestiyon ng dating opisyal kung saan siya kukuha ng ganitong kalaking pondo para sa isang ilegal na operasyon at nanawagan siya ng pormal na imbestigasyon upang malinis ang kaniyang pangalan.

Binigyang-diin din ni Rimbang na matindi nang naapektuhan ang kaniyang pamilya at ang pag-aaral ng kaniyang mga anak dahil sa mga kumakalat na larawan at maling impormasyon ukol sakanya.

Bumubuo na rin ng legal steps ang kaniyang kampo kasama ang kaniyang mga abogado upang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga nagpapakalat ng maling paratang laban sa kaniya.