-- Advertisements --

Naniniwala ang Department of Justice na nasa loob pa rin ng Pilipinas ang puganteng negosyante na si Charlie ‘Atong’ Ang. 

Aminado si DOJ Secretary Fredderick Vida na wala siyang alam kung saan nakuha ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang ‘intel report’ na nakaalis na ng bansa si Atong Ang. 

Base kasi aniya sa rekords ng Bureau of Immigration at Department of Justice, wala pang tiyak na impormasyon nagsasabing nakatakas ng Pilipinas ang pugante. 

Kanyang binigyang diin na hindi pa niya ito makukumpirma sapagkat ang pinagbabasehan ay ang rekords mula sa Immigration. 

Kaya’t sa kabila nang kumpirmasyon mula sa DILG, pinanindigan ng kalihim ang paniniwalang nasa Pilipinas pa rin si Ang. 

Ngunit kanya namang nilinaw na hindi nito ibig sabihin na kanyang kinokontra ang pahayag ni DILG Sec. Remulla. 

Si Charlie ‘Atong’ Ang, isang pugante, ay nahaharap sa kasong ‘kidnapping with homicide’ at ‘kidnapping with serious illegal detention’ kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.