-- Advertisements --

Ikinasawi ng 153 na katao ang naging pag-atake gamit ang drone strike sa pamilihan ng Abyei, Africa, isang rehiyon sa hangganan na pinag-aagawan ng Sudan at South Sudan.

Tumama ang drone sa isang kalapit na imbakan ng gasolina na naging mitsa ng sunog.

Sinisisi naman ni Yohanna Akol Ngor, ng Abyei administration’s caretaker information minister, ang Sudan military sa likod ng pag-atake sa Amiet Market, sa hilgang bahagi ng bayan ng Abyei.

Ayon naman sa senior Sudanese military officer na ang mga nasawi ay mga RSF o Rapid Support Forces members at ang mga taong may kaugnayan sa fuel smuggling. Sinabi pa nito na hindi nila intensyon na tamaan ang mga sibilyan.

Ayon naman sa mga awtoridad na bukod sa mga nasawi ay nakapagtala sila ng mahigit 20 mga inosenteng sugatan, kasama na ang mga may kritikal na kondisyon at dinala sa Ameth Bek Hospital.

Sinisisi naman ng South Sudan Foreign Ministry ang militar ng Sudan, at inihayag na maraming lokasyon ang tinamaan malapit sa isang pamilihan na naging ugat pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan at pagkasira rin ng mga imprastraktura.

Ipinatawag naman ang ambassador ng Sudan upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa insidente. Hinimok din nito ang Sudan na iwasan ang anumang mga hakbang na maaaring maglagay sa panganib sa buhay at ari-arian ng mga sibilyan.

Nanawagan din ito na lutasin ang mga usaping may kinalaman sa Abyei sa pamamagitan ng diplomatikong paraan o mapayapang pag-uusap.