Posibleng maglabas ng resolusyon ang Senado kaugnay ng hamon ng Chinese Embassy sa mga mambabatas na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan dahil sa kaniyang mga pahayag laban sa Pilipinas.
Ayon kay Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito nitong Linggo, pinag-uusapan na ng mga senador ang posibilidad na maglabas ng resolusyon kasunod ng naging pahayag ng embahador na maaari umanong madaling talunin ng China ang Pilipinas kung gagamit ito ng puwersa kaungay ng usapin sa West Philippine Sea.
Sinabi ng senador na malamang na kumilos ang Senado kaugnay ng usapin, bagama’t wala pang pinal na desisyon sa naturang resolusyon.
Inilarawan ni Ejercito bilang “very rude, hostile, and undiplomatic” ang mga pahayag ni Jing, na nagsabing mas pinipili ng China ang kapayapaan sa kabila ng kakayahan nitong gumamit ng puwersa.
Para sa senador, mas makabubuting palitan na ng Beijing ang embahador kung seryoso itong pagbutihin ang relasyon ng dalawang bansa.
Aniya, hindi nakatutulong sa pagpapabuti ng ugnayan ng Pilipinas at China ang mga pahayag na lalo lamang nagpapataas ng tensiyon.
Ang usapin ay kasunod ng panawagan ng ilang mambabatas na ideklarang persona non grata si Jing, o ituring siyang hindi katanggap-tanggap na kinatawan ng China sa Pilipinas, dahil sa kaniyang mga naging pahayag.
Samantala, hinamon naman ng Chinese Embassy ang mga mambabatas na isulong ang naturang hakbang.















