-- Advertisements --

Nasungkit ng Golden State Valkyries sa iskor na 68-64 ang panalo kontra Atlanta Dream sa Game 1 ng WNBA Finals sa San Francisco, California, upang makuha ang 1-0 na bentahe sa best-of-seven championship series.

Naging susi sa panalo ng Valkyries ang mahigpit na depensa sa fourth quarter, kung saan napigil nila ang opensa ng Dream at nilimitahan ito sa walong puntos lamang.

Dalawa lang sa 19 na field goal attempts ang naipasok ng Atlanta sa huling yugto ng laro, habang nabigo naman makapuntos ang isa sa kanilang star player na si Allisha Gray sa final 10 minuto. 

Kung saan hindi rin niya naipasok ang lahat ng pitong tira sa fourth quarter, kabilang ang potensiyal na three-pointer na maaaring magbigay sa Dream ng kalamangan sa huling 9 na segundo ng laro. 

Samantala, nagtala si Kiah Stokes ng 4 na blocks at pitong rebounds upang pangunahan ang Golden State habang nag-ambag naman si Kaila Charles ng 10 rebounds, 2 steals at 1 block.

Naging mahalaga rin ang papel ni Laeticia Amihere, dating manlalaro ng Atlanta, sa paghahanda ng Valkyries laban sa isa pang star player ng Dream na si Angel Reese. 

Nagtapos si Reese sa 14 puntos, ngunit lahat ng ito ay naitala niya sa first half bago siya napigilan ng depensa ng Golden State sa second half. Nagbunga rin ng 17 puntos para sa Valkyries ang 12 turnovers ng Atlanta.

Ayon kay Valkyries coach Natalie Nakase, naging mahalaga ang pagtutulungan, pagsisikap at maingat na pagsunod sa kanilang defensive plan upang mapigilan ang opensa ng kalaban.

Sa kabila ng pagkatalo, nagpahayag ng kumpiyansa ang Dream na makababawi sa susunod na laro.

Maghaharap muli ang dalawang koponan sa Game 2 sa Lunes, Oktubre 19, sa home court ng Valkyries sa San Francisco, kung saan sisikapin ng Atlanta na itabla ang serye sa 1-1.