Sumabog at nasunog ang isang supertanker na may kargang mahigit dalawang milyong bariles ng crude oil matapos tumama sa isang naval mine sa Strait of Hormuz, ayon sa ulat ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran.
Inihayag ng IRGC na tinangka umano ng naturang barko na dumaan sa saradong daanan ng tubig nang walang pahintulot sa tulong ng militar ng Estados Unidos.
Bagamat hindi pa independyenteng nakukumpirma ang ulat, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang US Central Command (CENTCOM) at UK Maritime Trade Operations (UKMTO) ukol sa kalagayan ng mga tripulante at sa laki ng pinsala.
Naging pangunahing flashpoint ang Strait of Hormuz sa pagitan ng Washington at Tehran dahil napakahalaga ng naturang daanan sa pandaigdigang kalakalan ng langis at liquefied natural gas.
Mula nang magsimula ang digmaan noong Pebrero, pinalalakas ng Iran ang pagharang sa mga barko at paglalagay ng minas sa karagatan habang nagpatupad naman ng blockade ang US sa mga pantalan ng Iran upang pigilan ang kita nito sa langis.














