Lalo pang lumakas ang Tropical Cyclone Champi at umabot na sa typhoon category, ayon sa state weather bureau.
Batay sa 8:00 a.m. weather bulletin, namataan ang bagyo sa layong 2,520 kilometro silangan ng Eastern Visayas, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 170 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Inaasahang papasok ang bagyong Champi sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes at tatawaging Rosal.
Inaasahang kikilos ang Rosal pa-hilagang-kanluran sa Philippine Sea patungong Taiwan at maliit ang posibilidad na direktang mag-landfall sa alinmang bahagi ng bansa.
Gayunman, posibleng makaapekto sa silangang bahagi ng bansa, partikular sa Hilagang Luzon, ang trough o extension ng bagyo sa huling bahagi ng susunod na linggo.










