Pinalalakas na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng hanggang dalawang milyong pasahero sa mga pantalan sa bansa ngayong Undas 2026.
Bilang paghahanda, itataas ng PCG sa alert status ang lahat ng operating unit nito mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nakahanda nang italaga sa iba’t ibang pantalan ang halos 17,000 tauhan upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.
Nakahanda rin ang mga barko at iba pang floating assets, gayundin ang Deployable Response Group na binubuo ng mga rescue personnel, medic at nurse na reresponde sa mga posibleng emergency.
Bahagi rin ng seguridad ang paglalagay ng mga K9 unit na tutulong sa inspeksyon ng mga bagahe upang matukoy ang mga ipinagbabawal na bagay na maaaring dalhin sa mga barko.














