-- Advertisements --

Iginiit ni Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na hindi dapat ibatay sa simpleng pamumuhay ni Vice President Sara Duterte ang paghusga sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban sa kanya. Sa halip, sinabi niyang dapat suriin ang mga rekord ng bangko, credit card at iba pang opisyal na dokumento.

Binanggit ni Tolosa ang ilang transaksiyon sa credit card na inilahad sa impeachment trial, kabilang ang mahigit P200,000 na bayad sa isang restawran sa Japan at mga pagbili ng sapatos at pag shopping isang tindahan na nagkakahalaga rin ng mahigit P200,000.

Giit ni Tolosa, mahalagang matukoy kung tugma ang mga gastusin at transaksiyon sa mga yaman at kitang idineklara ni VP Duterte.

Dagdag pa ni Tolosa, may mga naitalang transaksiyon ng salapi na mahigit P40 milyon sa loob ng halos isang oras, gayundin ang humigit-kumulang P180 milyong transaksiyon sa isang araw.

Nauna nang sinabi ng financial expert na si Atty. Alexander Cabrera na mahalagang suriin ang mga transaksiyon upang matukoy kung tugma ang mga ito sa mga deklarasyon ng yaman ng mag-asawang Duterte at Manases “Mans” Carpio.