-- Advertisements --

Tiniyak ng legal team ni Vice President Sara Duterte na may sarili silang panig at salaysay na ilalahad hinggil sa mga alegasyon ng unexplained wealth kapag dumating na ang kanilang pagkakataong magharap ng ebidensya sa impeachment trial.

Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, nararapat lamang na isaalang-alang ng publiko na ang mga kasalukuyang natatalakay at lumalabas sa mga pagdinig ay nakabatay pa lamang sa panig ng prosekusyon.

Tumanggi naman si Poa na idetalye ang mga usapin ukol sa mga kredito, credit card transactions, at umano’y mga transaksiyon sa ibang bansa dahil sa umiiral na *sub judice rule* na nagbabawal sa pagtalakay sa publiko ng mga merits ng kaso.

Ipinaliwanag ng jurist na hindi rin magiging patas kahit sa prosekusyon kung ilalabas ng depensa ang mga argumento at detalye ng kanilang panig bago pa man ito opisyal na maihain sa impeachment court.

Bagama’t inamin ni Poa na dehado ang kampo ng Bise Presidente habang naghihintay ng kaniyang turn sa pagpapakita ng ebidensya, lalo na sa isang prosesong may matinding kulay-pulitika, nananatili silang confident na mapapabulaanan ang mga ihinain laban sa kaniya.