-- Advertisements --

Nakapagtala ng ilang magkakahiwalay na na kaso ng pagkahilo ang mga estudyante ng Mangaldan National High School sa Pangasinan dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura nitong mga nakaraang araw.

Agad namang nabigyan ng paunang lunas at kaukulang atensyong medikal ang mga mag-aaral na nakaranas ng naturang mga sintomas sa loob ng paaralan.

Inihayag ni Danilo Eden, Assistant School Principal ng MNHS, na bukod-tangi at kontrolado ang mga naitatalang insidente habang patuloy nilang binabantayan ang kalagayan ng mga estudyante, lalo na sa mga oras na matindi ang init sa tanghali.

Bilang paunang hakbang, sinimulan na ng pamunuan ng paaralan ang pagsusuri sa bentilasyon ng bawat silid-aralan upang matiyak ang maayos na daloy ng hangin at mabawasan ang epekto ng mataas na temperatura sa paligid.

Kasabay nito, pinaalalahanan din ang mga mag-aaral na palaging uminom ng sapat na tubig at agad na ipagbigay-alam sa kanilang mga guro kapag nakaramdam ng panghihina o pagkahilo upang agad na maagapan at matiyak ang kaligtasan ng lahat.