Kinuwestiyon ni Senator-judge Robin Padilla kung may ginawang anumang iregularidad si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng joint account nila ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagtatanong kay witness Marwin Galvez, division head ng isang bangko, sinabi ni Padilla na hindi niya nakikitang kailangang idamay ang dating Pangulo sa mga isyung tinatalakay sa impeachment trial.
Tinanong ni Padilla si Galvez kung may nakitang ginawang mali ang dating Pangulong Duterte batay sa mga dokumentong iniharap sa impeachment court. Sinabi naman ng witness na wala siyang nakitang ganoong bagay batay sa records.
Bahagi ito ng talakayan sa mahigit P96-milyong pondong paulit-ulit umanong ginawang manager’s checks. Ipinaliwanag ni Galvez na nag-iisyu ng manager’s check ang bangko basta maayos ang authorization ng instruction at sapat ang pondong gagamitin.
















