Isa ang patay habang dalawa naman ang sugatan sa insidente ng pamamaril sa downtown Las Vegas sa United States of America nitong Biyernes ng gabi, Oktubre 2 (Las Vegas time).
Ayon sa pulisya ng Las Vegas, nakarinig na lamang ng putukan ang mga pulis na naka-deploy sa South Main Street and West Chrleston Boulevard, malapit sa pinangyarihan ng pamamaril.
Dalawang biktima ang nagtamo ng non-life-threatening injuries, habang isa naman ang naiulat na dead on arrival nang isugod ang mga ito sa ospital.
Batay sa imbestigasyon, nauwi sa pamamaril ang insidente matapos magkaroon ng pisikalan sa pagitan ng mga biktima at mga suspek kung saan humugot na lamang bigla ng armas ang isa sa mga suspek at paputukan ang mga biktima bago ito tumakas.
Hindi pa tukoy ng kapulisan ang aktwal na dahilan at motibo sa krimen, gayundin ang pagkakakilanlan ng suspek. Patuloy naman ang mga ito sa pag-iimbestiga sa insidente.
















