Aabot sa 244 na mga dayuhang indibidwal na karamihan ay Chinese nationals, ang inaresto ng Bureau of Immigration kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa magkahiwalay na operasyon laban sa hinihinalang POGO related noong Oktubre 2.
Isinagawa ang operasyon sa Barangay Kimos, Siay at Barangay Tandiong Muslim, Alicia. Sa Siay 113 na mga dayuhan ang inaresto, habang 131 naman sa Alicia. Patuloy pa na beneberipika ng BI ang kanilang pagkakakilanlan
Nakumpiska rin ang 78 mga computer monitors, 3,000 mobile phones, laptops at SIM cards pati iba pang technical devices na pinaniniwalaang ginamit sa online scams.
Iniimbestigahan ang mga naaresto dahil sa mga posibleng paglabag sa immigration laws, kabilang ang pagtatrabaho nang walang kaukulang work visa, pagiging undocumented, illegal entry at umano’y pagkakasangkot sa ilegal na POGO-related online activities.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, patuloy na ipatutupad ng ahensya ang pagbabawal sa ilegal na POGO operations at ang mga immigration laws ng bansa. Ang mga dayuhan ay sasailalim sa kaukulang deportations proceedings kung mapatutunayang lumabag sa Philippine immigration laws.
















