Muling inimbitahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang grupo nina VP Sara Duterte na sagutin ang mga alegasyon ni dating police officer Rodulfo Gracioso Jr.
Ito ay kasunod ng pagpapadala ng NBI ng invitation kina VP Sara, Davao City Rep. Paolo Duterte, at dating House Speaker Lord Allan Velasco para sa kanilang paliwanag habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa affidavit ng dating pulis.
October 1 nang opisyal na pinadalhan ng invitation ang naturang grupo, ilang araw lamang matapos maihain ang opisyal na affidavit ni Gracioso na nagsabing nagpadala siya ng male-maletang pera sa pamilya Duterte sa utos ni Velasco.
Paliwanag ng NBI, hindi ito subpoena kundi imbitasyon upang mabigyan sila ng pagkakataon na magpaliwanag patungkol sa mga ibinunyag ni Gracioso.
Para sa mag-asawang Velasco, ipinadala ang imbitasyon sa kanila, gamit ang kaniyang address sa Pasig City dahil sa wala ang mag-asawa sa Pilipinas.
Sa imbitasyon ng NBI, Oktobre-5 ang nakatakdang pagharap ng mga ito sa mismong opisina ng NBI.
Maaari namang magpadala ang mga ito ng kani-kanilang kinatawan o abogado, kung hindi personal na makakadalo.
















