Posibleng kapusin sa oras ang Commission on Elections (COMELEC) para maidaos ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE sa Nobyembre 2 kung ipag-uutos ito ng Supreme Court.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, kailangan pang ayusin ang election calendar, kabilang ang filing ng certificates of candidacy, information campaign at deployment ng mga election materials at vote-counting machines.
Kailangan din umanong bigyan ng sapat na panahon ang mga botante para sa dissemination ng impormasyon bago ang halalan.
Sinabi ni Garcia na mas mahirap itong gawin dahil kailangan pang maipadala ang mga kagamitan sa mga malalayong lugar, kabilang ang ilang bahagi ng Mindanao.
Matatandaang pinagpapaliwanag ng Korte Suprema ang Office of the President, Senado, Kamara at COMELEC sa petisyong kumukuwestiyon sa constitutionality ng Republic Act 12326.
Sa ilalim ng batas, inilipat ang BSKE mula Nobyembre 2, 2026 sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.
Giit ni Garcia, susunod ang COMELEC sa anumang magiging desisyon o direktiba ng Supreme Court.
Samantala, sinabi niyang hindi masasayang ang mga election materials na nabili na para sa 2026 BSKE dahil maaari itong itabi at gamitin sa halalan sa 2028.















