Sumalang bilang saksi ng prosecution sa ika-30 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte si Police Major Joericson Sangalang mula sa PNP Firearms and Explosives Office.
Inihayag ni Sangalang na nagtataglay ang bise presidente ng 22 baril, kabilang ang isang class-A light weapon na may kakayahang magpakawala ng burst of fire, habang ang kanyang asawang si Mans Carpio ay nagmamay-ari naman ng 29 na baril na kinabibilangan ng isang class-A light firearm at isang may pasong lisensya.
Ayon sa panel ng prosecution, gagamitin ang testimonya upang patunayang may hawak ang mag-asawa na mahigit 50 baril na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P7 milyon na dapat sana’y hiwalay na inihayag bilang personal na ari-arian sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Kinuwestiyon ng ilang senador-judge ang kaugnayan ng nasabing ebidensya sa kaso, ngunit iginiit ng prosecution na mahalagang ideklara ang bawat rehistradong sandata sa SALN.
Pinahintulutan ni Presiding Officer Chiz Escudero ang pagpapatuloy ng testimonya ngunit inatasan ang prosecution na paikliin ang proseso matapos sabihing hindi gaanong angkop ang saksi sa usapin ng hindi maipaliwanag na kayamanan.
















