-- Advertisements --

Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na kilala niya si dismissed policeman at dating security officer ni former Speaker Lord Allan Velasco na si Rodulfo Gracioso Jr. at mariin ding sinabi na wala siyang natanggap na anumang pera mula rito.

Sa inilabas na pahayag ngayong araw Setyembre 26, sinabi ng bise presidente na hinihintay ng kanyang mga abogado ang opisyal na kopya ng sinumpaang salaysay ni Gracioso mula sa National Bureau of Investigation o NBI bago nila simulan ang mga kasong nais nilang ihain laban dito.

“Once we are done dismantling the lies contained in his testimony, it will end up in the trash bin—just like the one from Ramil Madriaga,” saad ni Duterte. 

Una nang lumutang si Gracioso, na nagpakilalang dating head of security ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, at inangkin na naghatid umano siya ng mga maletang naglalaman ng pera kay Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Davao City First District Representative Paolo Duterte

Ayon kay Gracioso, mahigit P2 bilyon umano ang naihatid niya kay Vice President Duterte sa mahigit 20 pagkakataon.

Sa kanyang pahayag, tinawag ni Duterte na isang “media stunt” ang mga alegasyon at iginiit na bahagi umano ito ng pagtatangkang buhayin ang impeachment case laban sa kanya.

Sinabi rin ng Vice President na ang kanyang kampo ay maghahanda ng mga kaso laban kay Gracioso matapos makuha ang opisyal na kopya ng kanyang affidavit mula sa NBI.