-- Advertisements --

Pinahigpitan pa ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga requirement sa audit para sa mga kompanyang humahawak ng mga kontrata sa pamahalaan sa gitna ng pinalakas na imbestigasyon ukol sa kontrobersiyal na flood control scandal.

Sa ilalim ng SEC Memorandum Circular No. 26, Series of 2026, inamyendahan ng regulator ang mga patakaran sa akreditasyon upang palakasin ang kalidad ng pagsusuri at tiyakin ang katapatan sa financial reporting ng mga contractor.

Obligado na ngayon ang mga kompanyang may solong kontrata sa gobyerno na lagpas P750 milyon o may kabuuang kontrata na lalagpas sa P1 bilyon na kumuha ng Group A accredited independent external auditor.

Samantala, ang mga may kontratang nagkakahalagang P400 milyon hanggang P750 milyon ay kakailanganing kumuha ng Group B auditor upang masuri nang husto ang kanilang mga talaang pinansyal.

Inaatas din sa mga korporasyon na magsumite ng notarized schedule na naglalaman ng detalye, halaga, at status ng bawat proyekto na sakop ng opisyal na ulat ng auditor.

Magsisimulang ipatupad ang mga bagong alituntuning ito sa mga audit ng financial statement para sa mga fiscal period na matatapos sa o pagkatapos ng Hunyo 30, 2027.