-- Advertisements --

Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ang 9mm pistol na ginamit ng suspek sa pamamaril sa Banga National High School ay nakuha mula sa vault ng kanyang ama na isang empleyado ng DepEd Region 12 at nagtuturo rin ng gun safety.

Nangako naman ng agarang tulong si House Senior Deputy Speaker Dinand Hernandez para sa mga biktima at pamilyang naapektuhan ng nasabing insidente sa South Cotabato.

Sa isang panayam, sinabi ni Hernandez na inutusan na niya ang kanyang staff na alalayan ang mga biktimang kasalukuyang ginagamot habang nagpaplano siyang umuwi ng Mindanao kasama si Education Secretary Sonny Angara upang bisitahin ang paaralan at ang mga pamilya.

Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pagpapatibay ng seguridad sa mga paaralan, pagpapalakas ng mental health support para sa mga mag-aaral, at ang pag-iwas sa pagpapakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon habang gumugulong ang imbestigasyon.

Batay sa pinakabagong ulat, tatlong sugatang estudyante na ang nakalabas ng ospital samantalang apat pa ang patuloy na binabantayan at ginagamot sa iba’t ibang pasilidad pangkalusugan sa rehiyon.