-- Advertisements --

Nagbabala si Polish Prime Minister Donald Tusk na posibleng pag-atake ng Russia gamit ang mga drone o rocket sa mga bansang miyembro ng NATO na sumusuporta sa Ukraine, kabilang ang Poland.

Ayon kay Tusk, maaaring palabasin ng Russia na aksidente ang naturang mga insidente upang mapahina o maparalisa ang desisyon ng NATO na tumugon sakaling tamaan ang teritoryo ng isang miyembro nito.

Sinabi rin ni Tusk na mas mahirap umanong matukoy ang mga bagong uri ng jet-powered drones dahil mas mabilis at mas mataas ang kanilang lipad.

Ayon sa kanya, nakatanggap ang Poland ng intelligence mula sa NATO, Ukraine at United States kaugnay ng umano’y lumalaking banta.

Ibinahagi rin ni Tusk na nakatuon umano ang Russia sa pag-atake sa mga border crossing sa pagitan ng Ukraine at mga karatig nitong European countries upang maantala ang supply lines papunta sa Ukraine.

Inihayag niyang bibiyahe siya patungong Kyiv upang talakayin kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ang depensa laban sa mga bagong uri ng drones at karagdagang sanctions laban sa Russia.

Samantala, sinabi ni US President Donald Trump na may “Major progress” sa planong pagtatayo ng permanenteng us army base sa Poland.

Matagal nang hinihiling ng Warsaw ang naturang base bilang dagdag na security guarantee laban sa lumalaking Russian threat.