Naglabas ng opisyal na pahayag ang Philippine Red Cross (PRC) kaugnay ng mga kumakalat na hindi beripikadong post hinggil sa diumano’y unauthorized access at data breach sa kanilang mga server.
Inihayag ng PRC na kasalukuyan nang isinasagawa ang internal at external investigation upang suriin ang insidente, habang nagpatupad na rin ng mga precautionary measure para mapangalagaan ang seguridad ng kanilang mga system.
Pinaalalahanan ng organisasyon ang publiko na ang hindi awtorisadong pag-access, pagnanakaw, at ilegal na pagbebenta ng confidential data ay isang seryosong krimen na lumalabag sa mga batas ng bansa tulad ng Data Privacy Act of 2012.
Tiniyak ng PRC na agad nilang direktang kokontakin at aabisuhan ang mga maapektuhang indibidwal o entity kapag nakumpirmang may nakompromisong impormasyon sa nasabing alyadong pag-atake.
Banta pa ng organisasyon, hindi sila mag-aatubiling patawan ng pinakamabigat na parusa ng batas ang sinumang mapapatunayang may pananagutan sa insidente.
















