Sisiguraduhin ng House of Representatives na maayos at malinaw ang paggamit ng bawat sentimo sa panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027.
Ito ang tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Sinabi ni Dy na masusing susuriin ng Kamara ang mga panukalang pondo ng bawat ahensya upang matiyak na mapupunta ito sa mga programang may direktang pakinabang sa mga Pilipino.
Ayon sa Speaker, mahalaga ang transparency sa pagtalakay ng budget upang malaman kung saan gagastusin ang pera ng bayan at kung ano ang magiging resulta nito sa mga komunidad.
Binigyang-diin din niya na dapat may malinaw na epekto sa kabuhayan at kalidad ng buhay ng mga pamilya ang bawat pondong ilalaan sa mga proyekto.
Nakumpleto na ng House Committee on Appropriations ang pagdinig sa mga ahensya para sa panukalang 2027 budget. Hiningi sa mga departamento at ahensya na ipaliwanag ang kanilang mga hinihinging pondo, programa, target at prayoridad.
“Ang Kongreso ngayon ay pinagsisikapan namin na talagang maging maayos, maging transparent ang bawat pagtatalakay ng bawat budget ng mga iba’t ibang mga departments,”pahayag ni Speaker Dy.
















