-- Advertisements --

Arestado ang dalawang wanted na Pilipina sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City nitong Sabado, September 3, sa patong-patong na kaso ng panloloko isinampa laban sa dalawa.

Tinambangan sa isang operasyon ang dalawang Pilipina na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP), Criminal Investigation and Detection Group – Anti-Transnational Crimes Unit (CIDG-ATCU), kabilang ang ilan pang mga ahensiya matapos manggaling ang mga akusado sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Hinarang ang dalawang nasasakdal sa arrival area at sa immigration processing kung saan naman iniharap sa NAIA Police Station (NPS 1) ang mga ito, sa pakikipag-ugnayan ang CIDG-ATCU.

Nahaharap sa patong-patong na arrest warrant ang dalawang akusado sa mga kasong estafa, syndicated estafa, paglabag sa Securities Regulation Code, BP 22, at iba pang kaugnay na kaso na may kaakibat na halaga ng piyansa. Wala namang kaakibat na piyansa ang ilang kasong isinampa naman sa Batangas City.

Isinailalim na rin sa kustodiya ng CIDG-ATCU ang dalawang nasasakdal para sa angkop na dokyumentasyon at naayong aksyon.

Photo courtesy: PNP Aviation Security Group Special Operations Unit (AVSEGROUP)/Facebook