-- Advertisements --

Umabot na sa kabuuang 10,129 Pilipino ang na-repatriate mula sa Gitnang Silangan sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Linggo.

Batay sa datos ng DMW hanggang Mayo 24, sa kabuuang bilang ay 7,988 ang mga overseas Filipino workers (OFWs), 1,779 ang mga dependents ng OFWs, at 362 ang mga Pilipinong na-stranded.

Isinagawa ang repatriation sa tulong ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA), mga embahada, at konsulado ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.

Bukod sa pagpapauwi, sinabi ng DMW na nakapagbigay na rin sila ng tulong sa kabuuang 34,188 OFWs at iba pang apektadong Pilipino, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa naturang bilang, 23,345 ang nabigyan ng food assistance, 7,697 ng transport assistance, 2,491 ng shelter assistance, at 2,427 ng medical assistance.

Ayon pa sa ahensya, umabot na sa 70,148 ang mga serbisyong naibigay onsite para sa mga OFW at kanilang pamilya, kabilang ang iba’t ibang uri ng tulong at welfare support.

Sinabi ng DMW at OWWA na patuloy nilang pinapalakas ang mga programa para sa welfare at reintegration upang matiyak ang maayos na pagbabalik at muling pagsisimula ng mga apektadong OFW sa bansa.