-- Advertisements --

Tumaas sa limang porsyento ang unemployment rate sa Pilipinas nitong Marso 2026, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Iniulat ni PSA USec Dennis Mapa na katumbas ito ng humigit-kumulang 2.58 milyong Pilipino na walang trabaho. Mas mataas ito kumpara sa 3.9% noong Marso ng nakaraang taon, ngunit bahagyang mas mababa kaysa sa naitalang antas noong Pebrero.

Samantala, ang bilang ng mga underemployed o kulang sa oras ng trabaho at naghahanap pa ng dagdag na pagkakakitaan ay nasa 12.3%, o tinatayang 6.03 milyong katao.

Bilang tugon, sinabi ng Department of Economy, Planning and Development na magpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang mapanatili ang trabaho at mapalakas ang social protection, job-skills matching, at reskilling programs, lalo na para sa mga apektado ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, palalakasin ng gobyerno ang pagbibigay ng tulong gaya ng fuel subsidies at suporta sa transport workers, magsasaka, at mangingisda. Gagamitin din umano ang mga digital platform tulad ng e-wallets upang mapabilis ang distribusyon ng ayuda.

Dagdag pa rito, tiniyak ng pamahalaan ang patuloy na suporta sa mga overseas Filipino workers na naapektuhan ng krisis sa Middle East, kabilang ang mga programang pangkabuhayan, pagsasanay, at tulong pinansyal.

Sa kabuuan, nanatiling mataas ang employment rate sa 95%, na may kabuuang 49.07 milyong Pilipino na may trabaho. Nangunguna pa rin ang sektor ng serbisyo bilang pinakamalaking tagapag-empleyo, kasunod ang agrikultura at industriya.

Gayunpaman, nakapagtala ng pagtaas ng trabaho sa sektor ng transportasyon at administrative services, habang bumaba naman ang bilang ng manggagawa sa pangingisda at manufacturing.

Sa hanay ng kabataan, bumaba sa 87.4% ang employment rate, habang mahigit 700,000 sa kanila ang underemployed.

Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaan ang pakikiisa ng iba’t ibang sektor upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at mapalawak pa ang oportunidad sa trabaho.