Ipinag-utos ng Sandiganbayan sa state witnees na si dating DPWH USec. Roberto Bernardo na tumestigo sa bail hearing bukas, Abril 24 nina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at kaniyang limang kapwa-akusado sa kasong malversation.
Ang kaso ay may kinalaman sa umano’y P92.8 million ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ngayong araw, nakatakdang humarap si Bernardo sa korte subalit ipinaliwanag ng resident doctor ng anti-graft court na si Dr. Warlin Basuel na may sakit ang dating DPWh official.
Bunsod nito, itinakda bukas ang pagtestigo ni Bernardo, bagamat subject pa ito sa pagsusuri ng korte.
Sakali man makadalo ang dating DPWH official sa bail hearing bukas, pinaalalahan ni Sandiganbayan Third Division chairperson and Associate Justice Karl Miranda ang prosecution panel na dapat magsuot ng face mask si Bernardo.
Samantala, nauna naman ng nagbabala si Deputy Special Prosecutor Omar Sagadal na maaaring ma-cite in contempt si Bernardo kung mapag-alamang nagkukunwaring may sakit, dahil unfair aniya ito para sa testigo at sa prosekusyon.
Sinabi ni Associate Justice Miranda, kailangan ang naturang hakbang para malaman ng publiko na hindi kukunsentihin ng korte ang anumang scheme na makakasira sa pagbibigay ng hustisiya.
Sa ngayon, kasalukuyang ginagamot si Bernardo sa isang ospital dahil sa chronic rhinosinusitis, follicular pharyngitis, at acute bronchitis, at pinayuhang magpahinga.
Matatandan, nauna nang ibinunyag ni Bernardo na binigyan siya ni Revilla ng listahan ng mga proyekto ng pamahalaan noong 2024 at humingi umano ang dating Senador ng commitment fee. Nasa P125 million umano ang inihatid kay Bernardo bago ideliver sa bahay ni Revilla sa Cavite.















