Nilinaw ng Ambassador ng Pilipinas sa Canada na hindi Pilipino ang lahat ng 11 kataong nasawi o dose-dosenang nasugatan sa pananagasa ng isang black SUV sa crowd na dumalo sa Filipino festival sa Vancouver noong Abril 26.
Ayon kay Philippine Ambassador to Canada Maria Andrelita Austria, nakausap na nila ang pamilya ng mga nasawing Pilipino at binigyan na ang mga ito ng full assistance gayundin ang mga Pilipinong nasugatan sa insidente.
Sa kasalukuyan, ayon sa PH envoy, posibleng humarap pa sa mga karagdagang kaso ang suspek sa likod ng malagim na trahediya.
Aniya, posibleng ang naunang inihaing kaso laban sa suspek ay ang mga naunang batch ng mga biktima na binawian ng buhay sa ospital habang pino-proseso na aniya ang sumunod na batch.
Nauna ng kinasuhan ng British Columbia prosecutors ang 30 anyos na suspek na kinilalang si Kai-Ji Adam nang walong bilang ng second-degree murder.
Samantala, ayon sa Philippine Ambassador, nangako ang Canadian authorities na kanilang pag-aaralan ang lahat ng security protocols kasunod ng nangyaring trahediya.
Hiniling din aniya ng local authorities na i-alerto sila sakaling magsasagawa ng malaking pagtitipon at tiniyak na gagawa sila ng kaukulang paghahanda.
Nakatakda namang idaos ang Filipino Heritage Month sa buwan ng Hunyo na inaasahang magreresulta sa malawakang selebrasyon sa Canada.
Kaugnay nito, sinabi ni Ambassador Austria na makikipag-ugnayan sila sa police para sa mga kaganapan sa hinaharap upang maiwasang maulit ang deadly attack.