(3rd update) Isasailalim umano sa mahigpit na obserbasyon si dating Sen. Ramon Revilla Sr., sa susunod na dalawang araw habang ito ay nananatili pa rin sa ospital.
Pahayag ito ni Sen. “Bong” Revilla Jr., kani-kanina lamang kasabay ng pasasalamat sa lahat ng mga nagdarasal para sa paggaling ng ama na ngayon ay nasa kritikal ang kondisyon.
Nabatid na kagabi ay inihayag ng nakababatang Revilla na “conscious and responsive” naman ang ama bagama’t may nakakabit na ventilator dito.
Unang dinala sa isang ospital sa Bacoor si Revilla Sr., kung saan binigyan ng First Aid dahil sa hirap sa paghinga bago inilipat sa St. Luke’s Medical Center – Global City at dito na patuloy na magpapagaling.
Taong 2015 nang unang maospital si Revilla Sr., at kinailangang sa intensive care unit dahil sa aspiration pneumonia.
Ibabahagi rin naman sa publiko ang medical bulletin sakaling ilabas na ng mga doktor.
Ang 93 yrs old na si Revilla Sr ay naging senador mula 1992 hanggang 2004 at minsan ding naging award winning actor para sa mga hit movies na “Nardong Putik,” “Pepeng Agimat,” at iba pa.