Pabor ang nakararaming Pilipino na maibalik ang lumang school calendar sa bansa.
Ito ay batay sa inilabas na resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations(SWS).
Sa naturang survey, lumalabas na 89% ng mga natanong na Pilipino ay nais nang maibalik ang lumang schedule na Hunyo hanggang Marso na schedule.
Habang ang nalalabing 11% ay pumapabor na mapanatili ang Setyembre hanggang Hunyo na school calendar.
Kung ikukumpara sa mga nakalipas na survey, lalo pang tumataas ang bilang ng mga Pilipino na pumapabor sa lumang school calendar.
Noong 2011, nakapagsagawa rin ang SWS ngunit umaabot lamang sa 86% ang pumapabor sa lumang school calendar na siya pa ring ginagamit noon.
Noong 2003, o dalawang dekada na ang nakakaraan, 80% lamang ang nagnanais itong mapanatili.
Umabot naman sa 1,500 ang bilang ng mga tinanong sa naturang survey at may margin of error na plus/minus 2.5%.