-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nag-iwan ng isang patay at isa ang nasugatan sa pananambang ng magkatunggaling alkalde ng Maguindanao kaninang hapon.

Unang in-ambush ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang sasakyan ng Pandag, Maguindanao mayoralty candidate na si Toy Mangudadatu kung saan nasawi ang kanyang supporter.

Pinagbabaril din ang sasakyan ng katunggali ni Mangudadatu na si Mayoralty candidate Odjie Balayman at nasugatan ang kanyang kasama.

Ang mga armadong suspek ay pawang lulan ng motorsiklo at mabilis na tumakas.

Kaagad namang dinala ang sugatang biktima sa isang pagamutan sa Tacurong City.

Sina Mangudadatu at Balayman ay kapwa kinondena ang nangyaring pamamaril sa kanila sa araw ng eleksyon.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pandag-Philippine National Police sa pangyayari.

Una rito, kaninang tanghali lamang ay away sa politika ang nakikita ng mga otoridad na motibo sa pananambang sa isang alkalde sa parehong probinsya.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Jibin Boncayao, pinaputukan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang sasakyan ni Mangudadatu Maguindanao Mayor Bai Kule Mangudadatu Tayuan.

Suwerte na hindi tinamaan si Mayor Tayuan bagama’t mabilis na tumakas ang mga suspek nang magresponde ang mga pulis at sundalo.

Si Mayor Tayuan ay tumatakbong bise alkalde ng bayan ng Mangudadatu sa Maguindanao.

Itinurong suspek ng alkalde ang mga armadong tauhan ng kanyang katunggali.

Maliban kay Mayor Tayuan, una na ring ibinunyag ni dating Buluan Mayor Jhong Mangudadatu na pinaulanan ng bala ang bahay nito na malapit lamang sa paaralan. Ito’y bago pa man ang pagbaril-patay sa tatlong kasapi ng Barangay Peacekeeping Action Team sa Barangay Poblacion, Buluan, Maguindanao.