Ligtas na nakauwi sa bansa ang walong overseas Filipino workers (OFWs) na galing sa bansang Laos.
Ito ay sa pamamagitan na rin ng tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) matapos humingi ng tulong kay OFW Party-list Representative Marissa “Del Mar” Magsino.
Ayon sa mambabatas, nakalusot palabas ng bansa ang mga OFW dahil mayroong anilang kasabwat ang kanilang recruiter sa loob ng Bureau of Immigration.
Pinangakuan aniya sila ng maayos na trabaho, malaking sahod, libreng pabahay, at pagkain ngunit sila’y dinala sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia at pinasok bilang scammers sa mga negosyong pinapatakbo ng mga sindikato sa tinaguriang “Golden Triangle.”
Bukod sa tulong na repatriation, idinulog din ng OFW Party List sa DMW na mapabilang sila sa Reintegration Program ng ahensya.
Nagpaalala naman si Magsino sa publiko na nais magtrabaho sa ibang bansa na mag-ingat sa mga hiring agency o recruiter at siguraduhing ito’y rehistrado sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).