Umabot na sa walo ang nasawi sa landslide sa Barangay Guisad Surong sa Baguio City, ayon sa Baguio City Public Information Office.
Batay sa pinakahuling ulat ng City PIO alas-7 ng gabi, walo na ang kumpirmadong patay, habang tatlo ang patuloy na nawawala.
Dalawa naman ang nailigtas, habang isa sa tatlong survivor na unang dinala sa ospital ang iniulat na pumanaw dahil sa mga tinamong pinsala.
Nailigtas din ng mga rescuer ang isang aso mula sa landslide area.
Patuloy ang search, rescue and retrieval operations sa lugar habang hinahanap ng mga awtoridad ang mga taong hindi pa natatagpuan.
Naganap ang landslide bandang alas-7 ng gabi noong Linggo, kasabay ng patuloy na malakas na pag-ulan sa lungsod.
Tatlong bahay ang tinamaan ng pagguho ng lupa at naapektuhan ang limang pamilya.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, inilikas na ang mga residenteng nakatira sa mga kalapit na lugar na itinuturing na mataas ang panganib sa landslide.
Samantala, sinabi ng alkalde na nakapagtala na rin ng 13 iba pang landslide sa iba’t ibang bahagi ng Baguio City dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Dahil dito, umabot na sa 14 ang kabuuang bilang ng landslide incidents na naitala sa lungsod.
Nagbabala si Magalong na maaari pang madagdagan ang mga insidente dahil patuloy pa rin ang masamang panahon.










