-- Advertisements --

Epektibo na ngayong unang Linggo ng Oktubre ang implementasyon ng 8-digit landline number mula sa dating seven di­gits lamang.

Ayon sa Department of Information and Communications Technology, layunin nito na mabigyan pa rin ng mabilis na serbisyo ang dumaraming bilang ng mga landline subscribers na may area code na 02.

“Kailangan po dahil dumadami ang ating subscriber. Naubusan na ho ng seven digits dito sa Metro Manila, so kailangang magdagdag ng isang digit,” saad ni DICT Undersecretary Eliseo Rio Jr., sa isang panayam.

“‘Yung 02 lang na area code ang naapektuhan,” dagdag nito.

Batay sa inilabas ng National Tele­communications Commission (NTC) na Memorandum Order No. 10-10-2017, inaatasan ang lahat ng telecommunication companies na i-migrate ang area code sa 8-digit telephone numbers.

Ang number 8 ay ilalagay sa unahan ng kasalukuyang phone number na ating ginagamit.

Doon naman sa may Globe landline customers na may area code (02) ay idadagdag sa unahan ang number “7,” habang ang Bayan Telecommunications ay naka-assign ang number “3” na idadagdag sa unahan ng numero.

Una nang nagpaalala ang mga telephone companies na habang isinasagawa ang transition o migration period, makakaranas ang mga consumers ng limang oras na downtime mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw ng Linggo.