LEGAZPI CITY – Naabot na ng Pilipinas ang itinuturing na pinakamababang growth rate na naitala sa loob ng 75 taon mula 1946.
Ayon sa Commission on Population and Development sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, batay sa tala ng Philippine Statistics Authority na inilabas kahapon, nasa 1,070,000 lamang ang bilang ng ipinanganak at 768, 000 ang namatay hanggang Nobyembre 2021.
Samakatuwid, nasa 2.98% o 300,000 lamang ang naitalang paglaki ng populasyon.
Dagdag ni POPCOM Executive Director Usec. Juan Antonio Perez, nagsimula ang trend ng pagbaba ng growth rate sa huling dalawang buwan ng 2021.
Iniuugnay ito sa maraming couple na nagpigil muna sa pagbubuntis habang nasa pandemya, mga kababaihang nababahala sa hindi planadong pagdadalang tao, at kawalan ng intensyon na mag-asawa at magkaanak.
Tumaas din ang bilang ng mga mag-asawang nag-delay ng pagbuo ng pamilya dahil sa mahinang kita kaya dumami ang pumasok sa family planning.
Kasabay nito, umaasa ang POPCOM official na magtutuloy-tuloy pa ang trend kahit matapos na ang pandemya.