Hindi bababa sa anim katao ang nasawi habang mahigit 30 naman ang nasugatan matapos tumama ang dalawang lindol sa isang bulubunduking bahagi ng Peru nitong Linggo, Hulyo 19.
Ayon sa National Seismological Center ng Peru, naitala ang magnitude 5.1 at magnitude 3.7 na lindol sa lalawigan ng Chupaca sa Junín region, humigit-kumulang 300 kilometro silangan ng kabisera na Lima, Peru.
Sinabi ng ahensya na ang unang lindol ay naitala sa lalim na 24 kilometro, habang ang ikalawang lindol ay nasa 18 kilometro ang lalim.
Nauna namang iniulat ng European-Mediterranean Seismological Centre na may lakas na magnitude 5.6 ang unang pagyanig.
Batay sa paunang ulat, nasa 48 bahay ang tuluyang nawasak habang 18 pa ang napinsala, na nakaapekto sa tinatayang 300 residente. Kasalukuyan silang binibigyan ng mga tent bilang pansamantalang matutuluyan.
Karamihan sa mga bahay sa mga apektadong komunidad sa Chupaca ay yari sa adobe blocks, na madaling masira kapag may malalakas na lindol.
Nagpapatuloy naman ang paghahanap sa mga posibleng na-trap sa ilalim ng mga debris.
Tulad sa Pilipinas isa ang Peru na matatagpuan sa Pacific Ring of Fire, isang rehiyon kung saan nagaganap ang humigit-kumulang 85 porsiyento ng lahat ng lindol sa mundo.










