CAUAYAN CITY – Dinakip ang anim na tao matapos na maaktuhang nagsusugal sa Binguang, San Pablo, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), kabilang sa mga nadakip ang isang lola na 76-anyos, tatlong ginang na edad 49, 51, 42, isang 21-anyos na dalaga, at isang lalaki na edad 39 na pawang walang trabaho, magkakamag-anak at nakatira sa nasabing lugar.
Batay sa San Pablo Police Station, sa pangunguna ni PMaj. Rouel Meña ay isinagawa ng himpilan ang anti-illegal gambling operation matapos na may magsumbong tungkol sa nagaganap na sugal sa nasabing lugar.
Nakuha sa lugar ang isang set ng baraha, isang palanggana, isang upuan at bet money na P230.
Kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (Illegal Gambling Act) ang kinakaharap na kaso ng mga pinaghihinalaan.