KORONADAL CITY – Nag-iwan ng dalawang patay habang anim na magkakamag-anak ang sugatan matapos araruhin ng Ford Ranger ang topdown sa bahagi ng Tantangan, South Cotabato.
Kinilala ang namatay na driver ng motorsiklo na may sidecar na si Moises Salvador Intendencia, 59-anyos at ang pamangkin nitong si Justine, anim na taong gulang, kapwa residente Purok Aurora, Barangay Poblacion, Tantangan, South Cotabato.
Ang mga sugatan naman ay sina Lolita Intendencia, 51-anyos; Ivy Intendencia, 20; Rene Intendencia, 17; Jona Intendencia, 12; Jovelyn Lopez, 13, at Elmer Resava, na pawang mga residente ng nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Imelda Intendecia Barboza, anak ng namatay, papunta sana sa kanilang farm lot ang mga biktima upang kumuha ng talbos at bulaklak ng kalabasa upang ibenta.
Ngunit pagdating sa kahabaan ng national higway ay sinalpok ang mga ito ng Ford Ranger na minamaneho ng nagngangalang Rex Manuel Cablitas, 38-anyos na residente ng Barangay Morales, Koronadal City.
Napag-alaman na lasing ang driver ng Ford Ranger na nakikitang dahilan kung bakit nasalpok nito ang topdown.
Dinala pa sa ospital ang mga sugatan ngunit binawian ng buhay ang dalawa sa mga ito.