-- Advertisements --
MIGRANT BOAT

Hindi bababa sa 59 katao ang nasawi matapos ang pagtama ng isang wooden boat sa isang malaking bato sa baybayin ng Calabria sa Italy.

Sa ulat ng mga otoridad, nawasak ang nasabing bangka nang tumama sa malaking bato nang dahil sa masamang timpla ng panahon.

Mga migranteng mula sa Turkey papuntang Europe ang sakay nito at kabilang sa mga nasawi rito ay pawang mga bata, kababaihan, at sanggol.

Sinasabing ang nasabing bangka ay mayroong sakay na 140 hanggang 150 na mga indibidwal nang umalis sa Turkish City ng Izmir tatlo o apat na araw na ang nakakalipas.

Habang sa kabilang banda naman ay iniulat ng mga opisyal ng Italian provincial government na himala namang nakaligtas sa nasabing trahedya ang 81 katao at 20 sa mga ito ay nagpapagaling na sa ospital.

Samantala, ang naturang insidente ay muling binuksan ang pagdedebate ng mga kinauukulan tungkol sa migration issues sa Europe at Italy.

Habang kaugnay nito ay isinulong naman ni European Commission President Ursula von der Leyen na doblehin ng mga kinauukulan ang kanilang isinasagawang efforts sa pagrereporma sa EU asylum rules.