Hindi mapigilan ng mga fans ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach na tawaging “bitter” ang Colombian beauty queen na si Ariadna Gutierrez.
Ito’y kasunod ng pag-resurface o muling paglitaw ng kontrobersyal na 2015 coronation na kung maaalala ay tumatak sa kasaysayan ng Miss Universe dahil sa “wow mali” na announcement of winner ng host na si Steve Harvey.
Dito ay unang idineklara ni Harvey na panalo ang Miss Colombia, bago itinama ang sarili dahil ang totoong nagwagi pala ay ang pambato ng Pilipinas.
Nabatid na kumakalat kasi ang isang interview na nagpapakita na tila may hinanakit pa rin ang pambato ng Colombia sa nakamit na tagumpay ni Wurtzbach bilang pangatlong Pinay Miss Universe.
Sa nasabing video interview na inilabas ng local pageant website na Pageanthology 101, inilarawan umano ni Gutierrez si Wurtzbach bilang “ghost” kung saan bihira lamang itong makipaghalubilo sa kapwa kandidata- kaya hindi inakalang masusungkit ang Miss Universe crown.
“Actually, I just saw her (Pia) twice during the competition. Once at the dining area and during rehearsals. But a person (she is) like a ghost. You see her and never again…Nobody saw her. I used to go to the Latinas and we sat next to the Asians and I did not notice her. She was very solitary, too. I did not notice her and when I did, I did not think of her as my competition, that is the truth,” saad daw nito sa Facebook interview ng kababayan niyang Miss Universe 2017 first runner-up na si Laura Barjum.
Gayunman, ang translation ng conversation ay sinasabing base sa Mexican Spanish speaker na hindi naman eksperto sa beauty pageant.