-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Limang mga benepisaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ang nagsauli ng kanilang perang natanggap sa bayan ng Pigcawayan, Cotabato.

Nadoble na umano ang kanilang natanggap na pera mula sa pamahalaan at dapat itong ibigay sa mas nangangailangan ng tulong.

Nakatanggap na umano ang kanilang mga asawa ng tulong mula pamahalaan kung kaya’ t minabuti na lamang ng mga ito na isauli ang natanggap na cash assistance.

Ayon kay Pigcawayan Mayor Jean Roquero na sa kabila ng kinahaharap na krisis dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19) hindi nagdalawang isip sina Sheryl Flores Mazanades, John Kristopher Gonzaga, Johnnie Sapuay Guintaos, Gloria Dela Cruz Maloto at Paul John Josilva na ibalik ang pera.

Pinuri naman ni Roquero ang limang nagsauli ng pera at dapat lamang silang tularan at parangalan sa kanilang katapatan.

Sa pangkalahatan ay umaabot na sa 10,423 ang naging benepisaryo ng Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development mula sa 40 mga barangay sa bayan ng Pigcawayan.

Mahigpit at istriktong pinatutupad ang social distancing, paggamit ng facemask at ibang mga alituntunin alinsunod sa dineklarang public health emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nanawagan si Mayor Roquero sa ibang mga benipisyaryo na maging tapat sa kabila ng kahirapang dulot ng COVID.