Natukoy na raw ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang limang personalidad na posible umanong nameke sa pirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na ginamit sa appointment ng commissioner ng Bureau of Immigration (BI).
Sa isang statement, sinabi ni CIDG director Police Brigadier General Ronald Lee, tatlo raw sa limang indibidwal ay nakatanggap na ng kanilang mga subpoena.
Patuloy namang inaalam ang address ng dalawang iba pa.
Sinabi naman ni Lee na ang lahat daw ng impormasyon ay subject pa rin naman sa evaluation at validation.
Hiniling din nito sa mga indibidwal na sangkot sa isyu na makipagtulungan sa imbestigasyon.
Kasabay nito, hiniling na rin ng heneral sa mga mayroon pang impormasyon sa inisdente na lumantad na rin.
Nag-ugat ang naturang isyu noong Martes ng hapon nang matanong ang tungkol sa sa appointment ng bagong BI commissioner.
Pero nang magsagawa ng verification, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na wala raw ganitong appointment document na pinirmahan ni Pangulong Marcos.
Noong Miyerkules, sinabi ni Cruz-Angeles na sinimulan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang imbestigasyon sa BI appointment document.