MANILA – Limang laboratoryo na nagsasagawa ng coronavirus testing ang sinuspinde ng Department of Health (DOH) dahil sa patuloy umanong paglabag sa mandatong pagpapasa ng report sa tamang oras.
“(As of Friday, January 8) we were able suspend five laboratories,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Sa ilalim ng Department Memorandum No. 2020-0294, inaatasan ang mga nilisensyahang COVID-19 testing laboratories na maging “timely and diligent” sa pag-uulat ng test results.
Kailangan nilang ipasok sa information system na COVID KAYA ang mga resulta, na siyang iva-validate naman ng DOH Central Office.
“COVID-19 testing laboratories and/or the responsible personnel thereof, who failed to comply with these guidelines… shall be dealt with accordingly, which may include suspension or revocation of DOH-LTO (license to operate),” nakasaad sa naturang memorandum.
Sa ngayon, apat na laboratoryo na lang daw ang may parusang suspensyon dahil nakapag-pasa na ng requirements ang isang sinuspinde.
“May apat pa tayo na suspendido ngayon and until they can fully comply with their requirements for reporting, tsaka pa lang mali-lift yung suspension.”
As of January 8, 152 ang kabuuang bilang ng lisensyadong RT-PCR laboratories. Nasa 45 naman ang GeneXpert labs.
Walang inilabas na impormasyon ang DOH kung alin sa dalawang uri ng testing labs ang mga na-suspindeng pasilidad.