-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Karagdagang 2 bricks ng hinihinalang illegal na droga ang muling narekober ng mga otoridad sa baybaying dagat ng Barangay Fuga Aparri, kaninang umaga

Batay sa ibinahaging impormasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), narekober ang dalawang bricks na tinatayang nasa Php15M ang halaga.

Ang dalawang bricks ay nabalot din ng transparent tape at brown tape na may tatak na Columbian Football Team logo na letrang M.

Kahapon ay una ring narekober ang 3 bricks ng pinaniniwalang cocaine sa karagatang bahagi ng Ballesteros at Abulug, Cagayan

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PDEA ang mga nasabing illegal na droga para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Inihayag naman ni PDEA R02 Regional Director, Joel Plaza na patunay lamang ito na epektibo ang hakbang ng PDEA, PNP at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa isinasagawang seminar on “Trends in Drug Smuggling and Coast Watch”.

Samantala, nais ng PDEA Region 02 na magsagawa ng aerial reconnaissance flight sa coastal waters ng Cagayan.

Ito ang inihayag ngayon ni PDEA Regional Director Joel Plaza matapos marekober ang 3 bricks ng cocaine sa mga baybayin ng Abulug at Ballesteros kahapon, ika dalawampu’t isa ng Marso at ngayong araw ay karagdagang 2 bricks sa bayan ng Aparri.

Kaugnay nito ay hiniling ni RD Plaza sa North Luzon Command (NOLCOM) ng AFP na magsagawa ng reconnaissance flight upang masiguro na marekober kung sakali mang may mga nakalutang na mga kontrabandong droga sa mga baybayin ng Cagayan.

May posibilidad umano na maaaring may mga droga pang kasama sa mga naunang narekober na maaring nakahalo sa mga lumulutang na basura o mga halamang dagat.

Umaapela ngayon si RD Plaza sa mga mamamayan at mangingisda sa mga coastal areas na ipagbigay alam sa otoridad sakali mang may makuha o makitang kahalintulad na mga kontrabando.

Nagbabala ang opisyal na mahigpit na ipinagbabawal o labag sa batas ang pagtatago ng anumang uri ng kontrabando tulad ng cocaine at shabu.