Umabot na sa 49 Pilipino na nakabase sa Israel ang nawalan ng tahanan mula noong sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at Iran.
Ito ay batay sa report na inilabas ng Philippine Embassy sa Israel, sa Day 5 ng Operation Rising Lion ng naturang bansa.
Una na ring nagsagawa ng beripikasyon ang embahada sa pitong nasugatang Pinoy. Sa kasalukuyan, lima na sa kanila ang nakalabas sa pagamutan habang isa ang nananatiling kritikal ang kondisyon. Ang isa pang sugatan ay may ‘moderate’ condition at patuloy na nagpapagaling.
Ayon sa embahada, tuloy-tuloy nitong binabantayan ang kalagayan ng mga Pinoy na nakabase sa naturang bansa upang agad na mabigyan ng sapat at akmang tulong, batay sa kanilang pangangailangan.
Nananatili ring bukas ang mga temporary shelter para sa mga nawalan ng tahanan, kasama ang sapat na supplies, ayon pa rin sa embahada.
Maaari namang makipag-ugnayan sa 24/7 hotline number ng embahada na +972 54 466 1188 o sa Assistance to Nationals hotline na +972 50 911 4017.
Una na ring tiniyak ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na sasagutin ng pamahalaan ng Israel ang gastuhin ng mga sugatang Pinoy, kasama na ang tulong pinansyal, tulad ng benepisyong natatanggap ng iba pang Israelis.