-- Advertisements --
PNP

Inirekomenda ng binuong 5-man advisory group ng pamahalaan na sibakin sa puwesto ang apat na ranking police officials ng Philippine National Police.

Ayon kay dating PNP Chief PGen Rodolfo Azurin Jr. na siya ring tumatayo bilang chairperson ng naturang 5-man committee, ito ay matapos na makitaan ang dalawang heneral at dalawang koronel ng pagkakasangkot sa operasyon ng ilegal na droga.

Ang apat na ito ay kabilang sa 36 na mga senior police officials na una nang sinabi na posibleng may kinalaman sa kalakaran ng ilegal na droga.

Aniya, bukod dito ay inirekomenda na rin ng komite ang pagsasampa ng mga administrative charges laban sa apat na opisyal na hindi pa rin pinapangalanan.

Samantala, kaugnay nito ay sinabi naman ni Azurin na ipinauubaya na niya sa National Police Commission ang desisyon sa pagsasapubliko sa pagkakakilanlan ng naturang mga tiwaling opisyal.

Kung maaalala, Enero 4 ng taong kasalukuyan umapela si DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. sa lahat ng mga koronel at heneral ng Pambansang Pulisya bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na linisin ang buong hanay ng kapulisan mula sa katiwalian partikular na sa pagkakasangkot ng ilan sa mga narcotics syndicates.